Hindi ko parin lubos maisip ang trahedyang sumalanta sa ating bayan. Marami akong naranasan at natutunan sa insidenteng iyon. Marahil hindi lahat ng bagay ay maisusulat ko ngayon ngunit nais ko rin mailathala ang bawat ito.
Iniisip ko noong mga panahong lubog kami sa baha na marahil ito na ang aming huling mga oras sa lupa. Hindi natin masabi, wala tayong pinanghahawakan, tanging Siya lamang ang kayang makapagsabi at magtakda kung hanggang kailan at hanggang saan tayo tatagal sa lupa. Naalala ko nga noon nangtumataas ang lebel ng tubig sa loob na kung ito'y patuloy na rumagasa sa amin ay marahil matatagpuan kaming lumulutang, wala ng malay. Buti nalang kamo't hindi gaanong tumaas pa ang tubig at agad kaming nakaisip na umakyat na sa aming bubungan. Buti rin at andito ang aking Tatay na nagpamalas ng kanya kaalaman sa survival. Isang bayani kung turingin ko ang aking ama, kung wala siya ay hindi rin naman namin maiisipan ang ganong ideya na kanyang ginawa upang kami makapanik sa bubong ng aming bahay. Kung ako nga iyong pagiisipin kung anong survival technique na aking gagawin ay isasama ko ang aking aso't ina sa itaas ng kisame. Ngunit isang problemang kakaharapin namin dun ay kung tuluyang tumaas ulit ang tubig sa bahay, alam na natin ang magiging epekto.
Iisang buhay lang meron ang tao, iisang pagkakamali mo lamang ay baka tuluyan gumuho ang pangarap mo. Isa rin ito sa aking nabuong realisasyon sa insidenteng ito. May makakapagsabi ba kung sino ang may problema? May makakapagsabi ba kung sino ang dapat sisihin sa trahedyang nangyari? Pilit nating ibinabalik siguro sa Diyos at inang kalikasan ang sisi kung bakit tayo nalagasan ng mahal sa buhay o 'di kaya'y ari-arian. Pero may nakapagisip ba sa atin na maaaring ang pagkakamaling pangtao ang nagsimula ng isang matinding disaster na ito? Oo, kung hindi rin siguro tayo swapang [paumanhin niyo] eh hindi rin naman siguro tayo magkakaroon ng ganitong trahedya. Kung hindi natin sinakop pati ang mga creek sa likod bahay natin, kung siguro hindi natin ipinagdamot kakaunting espasyong ito na ngayo'y pinagtayuan niyo ng magagarang bahay at mansion, kung hindi siguro tayo nagtapon at nagbara ng mga basura natin sa daluyan ay hindi natin makakamit ang ganitong delubyo. Sana'y maging isang warning na ito para sa atin. Ang kalikasan ay isalba natin. Baka minsan isang araw ay hindi tayo over populated sa lupa, kundi sa paraiso o hindi kaya sa impyerno.
Habang pinapanood kong bumaba ang baha, pinagmamasdan ko ang mga nasirang kagamitan sa loob ng bahay. Biglang sumagi sa aking isipan na, ganon pala ang buhay, sa iisang kurap lang ng ating mga mata ay maaari ng maubos ang mga pinaghirapan mo. Sa iisang sandali pwedeng magunaw ang mundo, sa iisang kurap mo wasak na kabuhayan mo. Ganoon pala, kahit anong pagsisikap mo, kahit anong estado mo sa buhay, kahit anong tiyaga/plaque/tropeyo/medalya at kung ano pang paranggal na nauuuwi mo sa bahay mo eh sa iisang iglap lang kaya mawala nito. Ang sakit habang nakikita ko ang pinaghirapan ng aking mga magulang na inaanod nalang ng baha, ang sakit sa aking kalooban na makita ko ang mga alaala ko noong gradeschool/highschool, mga medalya, mga sertipikong basa at mistulang pambalot nalang ng tinapa. Magkahalong tuwa at lungkot ang aking nararamdaman habang inaayos ko ang mga kagamitan na nabasa ng baha. Nakita ko ang mga gawa ko noon, nakita ko ang mga resulta ng eksaminasyon, nakita ko ang mga alaalang hanggang sa alaaala nalang mababalikan na ngayo'y ayun nakatambak na at kailangan ng ibasura. Masakit, masakit na masakit ngunit wala kang magagawa. Ika nga, kalamidad iyan, gawa ng Diyos. Hindi ko parin iniaalis ang pagpasok ng pananampalataya ko, na sa bawat nangyayari sa atin ay may kaukulang ginahawa o hindi kaya'y purpose kung bakit iyon nangyari. Hindi para sa amin ang mga kagamitang iyon, may maganda pang plano ang Diyos para sa amin.
Iilan ito sa realisasyon na aking natamo sa experiensyang iyon. Sana'y may natutunan kayo sa aking simpleng handog. Salamat kaibigan.
Tuesday, October 6, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment